If you’re curious if Senator Francis “Chiz” Escudero is running for President this 2010, then read on. Here’s the full text of Sen. Chiz’s blog. THOUGHTS?
December 2, 2008, 12:29 am
Dahil sa mga naglalabasang surveys na kasali ako sa top 5 ng mga presidentiables, marami ang nagtatanong kung nangangarap daw ba akong maging presidente ng Pilipinas sa 2010. Ang masasabi ko lang ay oo. May pangarap ako tulad ng sinumang pulitiko siguro ngayon na humawak ng mas mataas na puwesto. Ang maganda sa pangarap, ito ay libre at hindi kailangang bayaran. Subalit ang mahalaga sa akin ay hindi kung ano ang gusto ko. Gusto ni ganito na tumakbo, gusto ni ganyan na tumakbo. Hindi mahalaga kung ano ang gusto kong takbuhan. Ang mahalaga, ano ba ang gusto ng ating mga kababayan na tatakbuhan ko o gusto ba nila akong tumakbo sa darating na halalan.
Ang mga kababayan ko ang humahawak ng desisyong ito at hindi ako. Subalit kung ipriprisinta ang pagkakataon, hindi ako tatalikod at hindi ko pababayaan ang pagkakataong manilbihan sa mas mataas na kapasidad, para sa mas nakatataas ding interes ng mahihirap nating mga kababayan.
Subalit napakaaga pa upang sagutin ang mga katanungan kaugnay sa halalan. Ni hindi pa nga ako lubusang kuwalipikado na tumakbo sa 2010 dahil ang minimum age sa pagtakbo bilang presidente ay 40 anyos. Kamakailan lang ako sumapit sa edad na 39. Sa isang taon pa ako sasapit sa edad na 40. Sa ngayon, mahirap pang sumagot sa isang tanong na hindi pa naman ako kwalipikadong sumagot.
Qualified na po ako na tumakbo sa 2010 ngunit hindi pa ako nagpapasya. Subalit kung tatanungin ninyo ako kung gusto ko ba o hindi, gusto ko at bakit ba hindi? Subalit panahon ang makakapagsabi kung tutuloy nga ba ako o hindi. Gusto ko sanang mabigyan ng ganyang pagkakataon habang bata pa ako, dahil kung hihintayin ko na tumanda ako na kasing tanda ng ibang pulitiko, baka pareho na rin nila ako at wala na akong pinagkaiba. Ngayon habang pinanghahawakan ko ang mga paniniwala, prinsipyo at paninindigan, nais ko sanang mabigyan ng ganyang pagkakataon na makatulong sa ating bansa.
Ngunit king sino man ang susunod na pangulo natin, ang dapat pagtuunan ng pansin ay tatlong bagay lamang. Trabaho para sa mga Pilipino, dito man o sa ibang bansa. Sapat na suweldo para matustusan ang pangangailangan ng mga kababayan natin. At abot-kayang presyo ng bilihin para sa gayon hindi magutom at maghirap ang ating mga kababayan. Tatlo lamang ang dapat pagtuunan ng pansin, walang labis, walang kulang.
Kung saka-sakaling mapagdesisyunan ko na tumakbo bilang pangulo at palaring magwagi, ang gagawin ko ay yung kabaligtaran ng ginagawa ni Pangulong Arroyo sa maraming bagay. Partikular na ang pagtitiyak na mayroong transparency at accountability sa pamahalaan. Ang sama ng loob ko sa gobyerno ito ay simple. Mayaman ang Pilipinas at may pera ang gobyerno. Hindi nga lang nakararating sa mga tao at hindi nararamdaman ng tao. Huwag nilang sabihing kulang ang pera at hindi nila kayang serbisyuhan ang pangangailangan ng ating mga kababayan, dahil kaya at dapat pwede. Kinakailangan lamang ay isang tapat na pinuno na nalalaman ang kanyang ginagawa.
Sa sinasabi kong ito, hindi nangangahulugan na nangangampanya ako o tatakbo ako, sinasabi ko lang kung ano ang dapat at nararapat.
Dalawa lamang ang plano ko para sa ating bansa. Una, hindi ako magnanakaw. Pangalawa, tunay na gagampanan ko ang nararapat na trabaho at obligasyon ng gobyerno sa ating mamamayan. Iyan ay ang bigyan sila ng pagkakataong umasenso at gumanda ang buhay upang ang mahirap ay hindi kailangang mamatay na mahirap. Ito ang trabaho na dapat gampanan ng pamahalaan, saan man, sino man ang nakaupo.
Darating ang panahon para sa pamumulitika, ngunit hindi ngayong araw ang pahanong na ito. Sa mga maagang nangangampanya at maagang nagdeklara, at maagang sumigaw na sila’y tatakbo, sila na lamang at hindi ako sasabay sa kanila. Sa dami at lalim ng problema na kinahaharap natin sa ngayon, ito na lamang ang ating harapin muna. Sa pagdating ng araw ng kampanyahan at araw ng pamumulitika, tinitiyak ko sa inyo na palagi akong sasama at palaging sasabak sa pamamahala ng kapasidad bilang patunay at pagkilala na dapat manilbihan ang mga nakakabatang henerasyon. Hindi na namin hihintayin na kami ay tumanda pa. Darating po ang panahon na ito ngunit hindi nga lang po sa ngayon.
– SENADOR FRANCIS “CHIZ” ESCUDERO
Related Images:
Mindanaoan is a multi-awarded blogger, content creator, seasoned social media strategist and publicist with undeniably successful track record. 2012 International Visitor Leadership Program (for global leaders) alumnus and O visa grantee (for people with extraordinary skills and who have risen to the top of their field). Avid traveler and a proud relief operations volunteer. Regular resource person for social media, blogging and content creation. Available for work and travel – [email protected]